Tuesday, August 23, 2011

Ang Tagalog

Bilang buwan ng wika, ang pahinang ito ay iaalay ko bilang pagpupugay sa ating wikang Filipino. Sa aking pagkaka alala, nag umpisang tawagin ang ating wika bilang Tagalog. Ang aralin na sumasakop sa pag aaral nito at ang Pilipino. Marahil dahil sa pagbabago na rin ng alpabetong Pilipino na walang c, ch, f, ng, enye, at z ay binago na din ang tawag at ginawang F ang P. Isa ito sa maraming ebolusyon ng ating linguahe o wika. Marahil isa ito sa dahilan kaya't madaming Pinoy ang sirang sira sa pagbigkas ng P at F.

Noong ako ay nasa mga unang baytang sa elementarya nagtataka ako kung bakit kailangan pang pag aralan ang Filipino. Sabi ko sa kamag-aaral ko, "Bakit ang baba ng grado mo sa Filipino, hindi ba dapat mataas dahil kaintindi intindi namn ang lahat ng itinuturo ng ating guro?" Hindi ko iyon maunawaan dahil para sa akin napaka simple lang ng ating wika. Marahil ito ay sa kadahilanang ako ay pinalaki ng magulang/ng tumayong mga magulang ko na purong tagalog ang inuusal. Bagaman sa patuloy na paglago ng aking mga kataga may mga naging impluwensya akong salitang banyaga. Tulad na lang ng tiyahin ko na isang guro. Noong natututo akong magbasa binigyan niya ako ng diksyonaryong Espanyol. Kinakausap niya ako sa salitang Espanyol at itinuturo sa akin ang dapat pagsagot ko ito. Sa madaling salita bago pa man ako matuto mag Ingles ay Espanyol ang unang itinuro sa akin.

Sa pag aaral ko naman ng kaunting salita, nitong banyagang wika, ay doon ko nalaman na karamihan sa ating wika ay hiram lamang. Sa kadahilanan nga lamang na wala ako sa Espania at walang kausap na Espanyol unti unti ko na rin nalimutan ang wikang iyon. Sumunod na wika ay ang Ingles. May alam naman ako sa wikang Ingles ngunit hindi nga lang ako lumaki sa lugar at paaralang kailangan mong mag Ingles na palagian. Ang galing na ito sa isa pang wikang banyaga ay hindi bahagyang lumago sa pananalita kung-di sa panulat lamang.

Yumabong pa ang aking wika dahil ang una kong naging tagapag turo ay ang mga tagalog na komiks.
Naaaburido ako na pag aralan ang kulay dilaw na aklat aklatan na ABAKADA. Nakagiliwan ko at nalibang akong basahin ang komiks dahil sa mga imahe at istoryang nakapaloob sa binibigkas ng mga bida. Ilang kinahiligan ko ay mga Tagalog, Funny Comics, Horror, Thriller at ang pinakapaborito kong Aliwan. Madalas rin akong nagbabasa ng Liwayway (hindi po ito ung gaw-gaw). Sa malamang at sa hindi, ito rin ang isa sa impluwensya ko sa matalim na pananalita ng Tagalog/Filipino. Natatandaan kong may mahahabang bangko sa malapit sa paradahan ng sakayang traysikel at jeep at may mga naka sampay na mga komiks at sa halagang isang kusing ay makakabasa ka na ng mga sinusubaybayan mong mga istorya sa komiks tulad ng Zuma, Kenkoy, Niknok at madami pang iba.

Nabanggit ko ang ABAKADA, namangha namn ako at pati ang manunulat na si Bob Ong ay hindi rin pinalampas ang pagtalakay tungkot sa munting aklat na dilaw na may larawan ng tatlong taong nagbabasa. Hindi ko lang nasisigurado sa ngayon kung pinabibili pa rin sa mga baguhang mag aaral ang aklat na iyon. Sa natatandaan ko, huling buklat ko ay nakalimbag na ang nababagong alpabetong Filipino at ayon kay Ginoong Bob Ong hindi na tat
lo ang tao sa pabalat ng ABAKADA.

Sa paglaon ang mga pinag tatakahan ko ay nauwi sa madami pang pagtatanung at ang pagtatanung na hindi nabibigyan ng tamang kasagutan ay nauwi sa pagiging mapagtuligsa at mapag debate. Madalas iniisip kong nakakabuti ba ang pag pupunyagi ko sa wikang Filipino gayong napakataas ng tingin ng karamihang mga Pinoy kapag nag sasalita ng Ingles ang kapwa nila. Kapag mayroong kamaganak na galing sa ibang bansa ay halos tutulo ang laway nila kapag nakakarinig ng kakaibang pilipit ng dila sa pag Ingles. Ako naman, isa ito sa nakakapag init ng ulo ko. Gusto ko sabihin nasa Pilipinas ka kaya magtagalog ka! Pero tinuruan ako ng matatanda na kung hindi rin lang mabuti ang lalabas sa bibig, manahimik na lang.

Madalas ang tingin ng mga Pilipino sa mga taong nag iingles ay matalino at sosyal. Sa akin naman ay kung matlino ka talaga matuto kang lumagay sa dapat mong kalagyan. Sosyal? Anu nga ba ang sosyal? Hindi ba sociable iyon sa Ingles? Eh di mas nararapat kung gusto mo makibagay salitain mo ang wika ng bansang kinatatayuan mo. Hindi nga ba dapat ganoon? Maliban doon marami din sa Pilipino na bastos pa ang pagkakaintindi sa ating purong linggwahe. Sige usalin mo nga ang sex, breast, vagina, penis, at bastard sa Filipino. Sa isip mo pa nga lamang eh parang bastos na. Nakakatawa pero umaani ito ng matinding kritisismo. Sinu kaya ang may kagagawan nito, matatanda sa una, simbahan o lipunan?

Sa pag laon pa at pag gagalugad ko sa ibat ibang paligid ng Luzon (paumanhin at hindi pa ako nakakalabas ng Luzon), maging ang Tagalog/Filipino ay iba iba pa rin. Madalas pagtawanan ako ng ibang taong nakaka ututang dila (kwentuhan) ko sa dahilang kakaiba raw ang wika ko. Ako ay mula sa lalawigan ng Laguna sa bayan ng San Pablo. Kasunod ng aming lalawigan ang Probinsya ng Quezon at Bicol kaya't malaking impluwensya ang Bicolano sa wika naming mga taga San Pablo. Tulad na lamang ng salitang liban dalawa ang ibig sabihin nito sa amin. Sa maragsang pagsasalita ito ay nangangahulugang tawid, tawid sa kalye o bakod. Sa malumanay namn ito at liban o sa Ingles ay skip o absent. Marami pang mga katulad nitong mga salita at kahit kakaibang mga tono (accent) . Nakakalungkot nga lamang kung pati ito at tinutuligsa, pinagtatawanan at kinukutya ng mga taga ibang lugar na madalas kong maranasan. Bakit hindi na lamang ito tanggapin na normal na pagkakakilanlan sa lugar kung saan ka nagmula.

Sa buod ng mga ito, isang beses sa isang taon ay may pagdiriwang sa ating wika. sa ganang akin lamang ay sana araw araw ipagbunyi natin ang ating wika dahil parte ito ng pagkatao natin. Kailangan pa ba nating mapunta sa ibang bansa upang mag punyagi, ipagmalaki at asamin na may makausap ka man lamang na kapwa Pinoy at mag filipino dahil sabik ang tainga mong makarinig ng wikang kinamulatan mo. Sa mga kabataan natin ngayon unti unting nawawala na ang pagkapuro ng ating wika dahil sa teknolohiya at media. Mas kabilib bilib ang mga bata ngayon na kayang makapag bigkas ng tatlo o apat na salita na walang halong wikang banyaga. Sana lamang ay mapanatili nating wagas ang ating wikang Filipino tulad ng ating damdamin sa pagiging makabayan.

No comments:

Post a Comment